Malacañang binigyan na ng Go Signal ang paggamit ng Stay Safe App sa bansa

by Erika Endraca | May 5, 2021 (Wednesday) | 713

METRO MANILA – Gagamitin na bilang unified application sa COVID-19 contact tracing ang Staysafe.PH, sa kabila ng mga kontrobersiya tungkol sa sistema at functionality nito.

Una nang sinabi ni Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kailangan pang pag-aralan ang naturang application dahil hindi pa masasabing highly reliable ito

“Ang stay safe kase talagang tinanggihan ng Department Of Health dahil may nakita silang kakulangan talagang kulang pa yung documentation na ibinigay ng stay safe kaya hindi pa natin makompleto at masabing categorically na highly reliable na itong stay safe, kailangan pa talagang pag-aralan, ayusin pa at i-enhance pa further yung kanyang functionalities” ani Contact Tracing Czar & Mayor Benjamin Magalong.

Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, may go signal na ang paggamit nito

“Lahat po ng kontobersiya, tungkol dito sa app na ito ay natapos na lahat po ng kinakailangan mai-donate ay naidonate na po sa Philippine government at ito po ay ginagamit na po at pinapatupad na po ng ating DILG at ang technical assistance po is being provided by DICT, all systems go na po tayo” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Inaasahang sa pamamagitan ng centralized contact tracing ay mas mapapabilis ang sistema sa paghanap sa mga naging contact ng mga COVID-19 positive at suspect patients.

Ayon kay Mayor Magalong nananatiling mahina ang contact tracing effort ng bansa laban sa COVID-19.

Kung dati ang isang kaso ay pinagtutulungan ng 4-5 contact tracers, ngayon ay aabot na sa 5-8 kaso ang kailangang tutukan ng bawat isang contact tracer.

Kaya naman nananawagan ang alkalde sa mga LGU na matutukan ang sistematikong monitoring ng COVID-19 cases sa kanilang nasasakupan partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Consistent na nagkakaroon tayo ng problema dito sa BARM kase consistent ang armm na every week talagang hndi maintindihan ang data nya sa contact tracing, hindi ma-define, hindi consistent ang contact tracing efficiency ratio, nakakalito kaya talagang kailangan tutukan mabuti yung ating mga contact tracers at mga local government unit jan sa lugar na yan” ani Contact Tracing Czar & Mayor Benjamin Magalong.

Ayon sa Contact Tracing Czar inaasahang makakatulong ang 254,000 contact tracers na madadagdag sa pwersa ng pamahalaan ngunit malaking hamon pa rin ang kakaharapin ng mga ito dahil nananatiling mataas ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: