Malacañang at DILG, nanawagan sa mga kandidato na sumunod sa campaign rules lalo na ngayong may pandemya

by Radyo La Verdad | February 9, 2022 (Wednesday) | 7585

METRO MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kandidato na sumunod sa itinakdang campaign rules ng Commission on Elections (Comelec).

Kabilang na riyan ang mga pinapayagang aktibidad sa mga lugar batay sa kanilang alert level sa ilalim ng Comelec Resolution 10732.

Ipinagbabawal ang in-person campaigning sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4 at 5.

Limitado naman ang mga maaaring isama na campaign staff sa alert levels 3 at 2 habang wala namang limitasyon sa mga lugar na nasa alert level 1.

Bawal din ang pagpasok sa mga bahay sa house-to-house campaigning, physical contact gaya ng pakikipag-kamay, pagyakap, paghalik, pakikipag-selfie ng malapitan at pamimigay ng pagkain o inumin.

Bagaman handa na ang DILG sa pagsisimula ng campaign period, nakiusap na rin ang ahensya sa mga kandidato na manguna na sa pagsunod sa panuntunan sa pangangampanya.

“Ang panawagan po ng DILG sana po mag self-police na yung mga kandidato. Alam naman po nila ‘yung batas, sana po sila ‘yung manguna sa pagsunod ng batas para po ‘yung kanilang mga supporters ay sumunod din sa kanila. Kumbaga, they should lead by example.” ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, maaaring mapatawan ng multa at pagkakakulong ang mga lalabag sa campaign rules depende sa naging paglabag sa ilalim ng omnibus election code.

Patuloy din aniya ang koordinasyon ng DILG sa Comelec at nagbigay na rin daw ng direktiba si DILG Secretary Eduardo Año sa mga lgu at barangay official na mahigpit na ipatupad ang campaign rules.

Maging ang palasyo, nanawagan din na mahigpit na sundin ang minimum health protocols.

Kumpiyansa rin ang palasyo sa mga panuntunan at regulasyong ipinatutupad ng Comelec upang maiwasan ang super spreader events.

“Let’s keep our elections fair, orderly, peaceful and safe. Sundin lang po natin, alam po natin ang lahat ng mga guidelines pagdating sa minimum public health standards at siyempre yung mga guidelines ng Comelec. Let’s follow and obey the rules, regulations, and laws of the land.” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,