METRO MANILA – Ilang araw na ang nakalipas nang alisin ng bansang New Zealand ang COVID-19 restrictions sa bansa matapos makapagtala ng Zero active virus cases.
Kumpara sa New Zealand, higit na malaki ang populasyon ng Pilipinas kaya aminado ang Malacañang na mahirap para sa ating bansa na makamit ang Zero cases hangga’t walang bakuna o lunas sa nakamamatay na sakit.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, sa Metro Manila pa lamang na epicenter ng COVID-19, mahirap pigilan ang pagkalat ng virus dahil sa density ng lugar.
Samantala, masusi namang pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kontra COVID-19 ang datos kaugnay ng covid-19 cases at critical capacity sa Metro Manila gayundin sa Cebu City.
Napanatili sa 2 lugar ang mataas na kaso ng Coronavirus Disease.
Dito ibabatay ang gagawing rekomendasyon ng IATF kay Pangulong Rodrigo Duterte kung luluwagan na ba sa Modified General Community Quarantine o pananatilihin pa ang General Community Quarantine sa NCR at Cebu City.
Ayon kay Sec. Harry Roque, ikukunsidera ng pamahalaan ang datos kung malaki ba ang posibilidad na magkaroon ng second wave infections kung luluwagan na ang quarantine restrictions sa NCR.
Kaya dapat maging maigting ang pagsunod ng mga residente sa social distancing, pagsusuot ng face masks at pangangalaga sa kalusugan.
Inaasahan namang muling pupulungin ni Pangulong Duterte ang IATF sa Malacañang at magbibigay ng kaniyang ulat sa bayan sa Lunes.
Ayon kay Secretary Roque, kinansela na ang pagpupulong sa Davao City dahil inaasahang babalik na ng Maynila ang Punong Ehekutibo.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Covid-19, malacanang