Malacañan, pinabulaanan na may impluwensya ni Pangulong Aquino ang House version ng Bangsamoro Basic Law

by Radyo La Verdad | May 19, 2015 (Tuesday) | 3606

pinoy-edited

Hindi si Pangulong Benigno Aquino III ang nasa likod ng pagkakaroon ng mga pahabol na amiyenda sa panukalang Bangsamoro Basic Law na pagbobotohan sa Kamara de Representante.

Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr., bukas sa publiko ang usapin ng Bangsamoro magmula pa nang malagdaan ang Framework Agreement kasunod ang Comprehensive agreement noong March 2014.

Hanggang sa naisumite ito sa kongreso noong 2014 at nagkaroon pa ng konsultasyon sa House Committee level upang matalakay pa ito ng malaliman dahil sa nangyari sa January 25 Mamasapano operation ay naipabatid na ito sa publiko.

Kahapon, inanunsyo ni Ad Hoc Committee Chairman Rufus Rodriguez na nagkaroon ng 125 changes sa bagong draft BBL at tinawag itong Chairman and Vice Chairman’s Draft Bill.

Tinawag naman ito ng ilang oposisyon na Malacanang version.

Dahil ito umano ang resulta ng pakikipagpulong ni Pangulong Aquino at ng ilang kongresista sa Malakanyang nito lamang nakaraang Biyernes at Linggo.

Nilinaw naman ni Secretary Coloma na bagamat wala siya sa naturang pagpupulong, ito ay isa lamang consultative meeting para sa ibat ibang mga isyu upang magkaroon ng maayos na ugnayan ang dalawang sangay ng gobyerno at makamit ang isang hangarin na pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao.( Nel Maribojoc/ UNTV News )

Tags: , ,