Itinakda sa darating na ika-5 ng Oktubre ni Judge Andres Soriano ng Makati RTC Branch 148 ang pagdinig hinggil sa hiling ng Department of Justice (DOJ) na ipaaresto at pigilang makaalis ng bansa si Senator Antonio Trillanes IV.
Ipinagpaliban ng huwes ang pagdedesisyon dahil muling tatalakayin sa pagdinig ang mga puntong iginigiit ng magkabilang kampo kagaya ng usapin kung pormal nga bang nagsumite ng application for amnesty at kung umamin nga ba si Trillanes sa kaniyang pagkakasala.
Pasado alas dos ng hapon ay lumabas ng kaniyang tanggapan si Judge Soriano at nang tanungin kung posible ba siyang maglabas siya ng desisyon ay sinabi nitong wala pa ang resolusyon at maaaring hindi pa ito ngayon ilalabas.
Samantala, sa labas ng Makati City Hall ay nakaabang rin ang ilang miyembro ng Tindig Pilipinas bilang pagpapakita ng suporta kay Senador Trillanes. Sigaw nila, panatilihin ang rule of law, pumanig sa konstitusyon at huwag ipaaresto si Sen. Trillanes.
Miyerkules nang nagsumite ang DOJ ng huling pleading kaugnay sa pagpapaaresto sa senador.
Ang Branch 148 ang humawak noon ng kasong kudeta ni Trillanes kaugnay ng 2003 Oakwood mutiny. Natigil ang paglilitis taong 2011 sa bisa ng amnestiyang iginawad ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Patuloy na iginiit ng DOJ na hindi nakapagcomply sa minimum requirements ng amnesty application ang senador taong 2011. Ito rin ang pinagbatayan ni Judge Elmo Alameda ng branch 150 kaya’t nag-isyu ito ng arrest warrant laban sa mambabatas.
Ngunit hindi kagaya ng kaniyang kasong rebelyon sa Branch 150, kung saan nakapaglagak ng piyansa ang senador, non-bailable ang kasong kudeta ni Trillanes.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: DOJ, Makati RTC Branch 148, sen. trillanes