Ginagamit umano para sa political mileage ni Vice President Jejomar Binay ang Makati Friendship suites bilang paghahanda nito sa kanyang mga ambisyong pulitikal.
Sa isang panayam sa programang huntahan, sinabi ni Atty. Renato Bondal, convenor ng United Makati Against Corruption na hindi naman nakikinabang ang mga taga-Makati sa ipinatayong Makati Friendship suites na nagkakahalaga umano ng P242 million na sinasabing overpriced ng P195 million.
Ipinahayag ni Bondal na ang naturang gusali ay ginagamit para sa mga opisyal ng 670 sister-cities sa bansa para makakuha ito ng suporta sa darating na pampanguluhang eleksyon sa 2016.
Samantala, ipinahayag naman ni Atty. JV Bautista, secretary general ng United Nationalist Alliance (UNA), na ang dapat kuwestyunin sa isyu ng overpricing ng Makati Friendship suite ay si dating vice mayor Ernesto Mercado dahil siya ang nanguna noon sa Sangguniang Panglungsod na gawing friendship suite ang mga gusali na unang ipinatayo para sana sa resettlement ng mga informal settler sa Makati.(UNTV Radio)
Tags: corruption, JV Bautista, Makati City, Makati Friendship suite, overpricing, Renato Bondal, UNA