Makapal na abo, bumalot na naman sa ilang bayan sa Albay

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 1984

Patuloy pa rin ang aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay at alas singko kahapon nang muli itong magbuga ng makapal na ash column.

Kaya naman halos di na lumalabas ang ilang mga magsasaka at mga residente sa Camalig, Albay sa takot na malanghap ang makapal na abo na ibinuga ng Mt. Mayon.

Ang lokal na pamahalaan, namamahagi ng mga libreng surgical o face mask sa mga residente bilang proteksyon ngunit kulang umano ang kanilang supply para sa libo-libong residente kaya naman hinihikayat ang iba na bilang alternatibo ay gumamit ng mga basang tuwalya. Ganito rin ang nararanasan sa Guinobatan, Albay.

Paliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, sporadic ang uri ng lava fountaining at makapal ang mga bagong deposits ang ibinuga ng bulkan.

Ayon sa Mayon Volcano Observatory, sa ngayon ay mababa ang viscosity rate o medyo fluidal ang lava na inilalabas ng bulkan na halos walang ingay mula sa crater at pasirit-sirit ito.

Aaralin pa ng PHIVOLCS ang mga larawan mula sa aerial survey. Kasama ang Philippine Air Force ay inikot ng ahensya ang South, East, Southeast at Northeast Parts ng Albay upang matukoy ang priority areas na imomonitor sa lalawigan. Ang priority areas ang mga lugar na pangunahing kailangang ilikas sakaling magkaroon ng lahar.

May nakita rin lahar threat sa mga ilog Binaan Channel, Budiao, Daraga, Camalig, Buyuan Channel, Eastern Part, Mabinit Channel, Bongao Gully.

Kaya naman patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan at ng PHIVOLCS sa mga evacuees na huwag nang magpabalik-balik sa kanilang mga bahay lalo na ung mga nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone gayundin ung mga nasa extended danger zone.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,