Makabayan congressmen, nanawagan kay Pangulong Duterte na alisin sa pwesto si Sec. Aguirre

by Radyo La Verdad | March 14, 2018 (Wednesday) | 14313

Hinamon ngayon ng Makabayan congressmen si Pangulong Rodrigo Duterte na agad alisin sa pwesto si Justice Secretary Vitallano Aguire II kung talagang seryoso ang punong ehekutibo sa kampanya laban sa iligal na droga.

Kasunod ito ng pagkakadismiss ng Department of Justice sa mga drug case nina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at ibang pang bigtime drug lords.

Ayon sa mga militanteng kongresista, kung hindi papanagutin ng pangulo si Aguirre, nanganaghulugan ito na peke ang kanyang war on drugs at ang target lamang ay ang mga small time drug pusher at user.

Ayon pa sa minorya sa Kamara, marami ng mga malalaking kaso ang pinababa ng DOJ. Matatandaang dalawang commissioner ng Bureau of Immigration na umano’y tumanggap ng suhol para palayain ang dalawang Chineses nationals, mula sa non-bailable na kasong plunder ay ibinaba ang kanilang kaso sa graft.

Gayundin ang pag-abswelto sa pinaghihinalaang ISIS recruiter na si Haytan Abdulamid at ang Pinay na kinakasama nito.

Samantala, sa twitter post ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kagabi, sinabi umano ni Pangulong Duterte na kung makakawala sina Espinosa at Lim, si Aguirre ang ipapalit niya.

Gagamitin din umano ng punong ehekutibo ang kaniyang kapangyarihan para repasuhin ang dismissal sa mga drug charges.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,