Naalarma na ang Makabayan Bloc sa Kamara sa pagtaas umano ng bilang ng mga pinapatay na Lumad.
Kaya naman isang resolusyon ang inihain ng Makabayan Bloc sa mababang kapulungan ng kongreso upang imbestigahan ang umano’y extra judicial killings sa mga katutubo.
Sa resolusyon na inihain ng mga kongresista, nakasaad na walang awa umanong pinatay ang Manobo Lumad Leader na si Dionel Campos, pinsan nitong si Aurelio Sinzo at Alcadev Executive Director Emerito Samarca sa Lianga Surigao del Sur nito lamang September 1.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, itinuturo ng mga saksi ang mga tauhan ng Philippine Army na umano’y miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU na siya umanong pumatay sa mga ito.
Kaya naman nang makaharap ng kongresista ang hepe ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa pagdinig ng kamara sa kanilang panukalang pondo, pinagpalinawag nila ito.
Itinanggi naman ni AFP Chief of Staff Major General Hernando Eriberri ang report.
Sinabi ni Eriberri nahuli na ang mga pumatay sa mga Manobo Lumad at hindi ang mga sundalo .
Maging ang Department of Justice ay iniimbestigahan na rin ang akusasayon at umano’y pagkakadawit ng AFP sa kaso. ( Grace Casin / UNTV News)
Tags: AFP Chief of Staff Major General Hernando Eriberri, Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, Citizen Armed Force Geographical Unit, Manobo Lumad