Maintenance Transition Team, binuo ng DOTr kasunod ng contract termination ng BURI

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 1768

Opisyal nang tinerminate kahapon ng Department of Transportation ang 3-taong kontrata nito sa Busan Universal Rails Incorporated bilang maintenance provider ng MRT line 3.

Matapos ito nang umano’y pagkabigo ng BURI na maiayos ang serbisyo ng MRT at palitan ng maayos na piyesa ang mga tren nito.

Bumuo na ang DOTr ng transition team na pansamantalang hahalili sa pagsasaayos ng tren ng MRT. Binubuo ito ng mga senior engineer mula sa Light Rail Authority at Philippine National Railways.

Bukod pa rito, kukuha rin ang DOTr ng iba pang tauhan sa BURI dahil sa kasanayan ng mga ito sa pagsasaayos ng mga tren.

Samantala, muli namang dumipensa ang kampo ng BURI sa mga alegasyon ng DOTr kaugnay sa paulit-ulit na aberya sa operasyon ng MRT.

Anila, bago pa magsimula ang kanilang kontrata ay sinabi na nila na magkakaroon ng mga problema sa operasyon ng tren dahil sa problema sa riles at maling modelo ng tren.

Muli ring iginiit ng BURI na dapat nang bayaran DOTr ang mahigit sa 350 million pesos na utang nito sa mga nakalipas nilang serbisyo.

Subalit nanindigan ang DOTr na wala silang babayarang utang dahil dito nila kukunin ang mga penalty na dapat bayaran ng BURI dahil sa madalas na aberya sa nga tren.

Samantala, umapela naman ang BURI sa Quezon City Regional Trial Court na desisyunan na ang protection order na inahain ng mga ito noon pang Oktubre na inaasahang makatutulong upang pansamantala bawiin pa ng DOTr ang termination ng kanilang kontrata sa MRT.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,