Inalis na ang hinang ng main gate ng Department of Agrarian Reform na nakapinid sa loob ng labingwalong taon.
Sa nasabing gate madalas na nagsasagawa ng kilos protesta ang mga magsasaka dahil sa mga isyung pangsakahan.
Ngayong bago na ang pamunuan ng DAR, ipinag-utos ng bagong kalihim nito na si Rafael Mariano na buksan na ang main gate.
Kabilang noon si Secretary Mariano na nagpoprotesta at nagkakampo sa main gate ng DAR.
Ayon kay Secretary Rafael Mariano, kung sakali mang may magsasagawa ng rally sa lugar ay bukas palad silang tatanggapin.
Tiniyak ni Mariano na mananatili ang lahat ng mga magsasaka sa kanilang sinasakang lupa.
Magsasagawa ng imbentaryo ang DAR sa lahat ng mga naipamahaging lupa mula noong 1972 hanggang noong nakaraang taon upang malaman kung natupad ba ang proseso.
Sa datos na hawak ng kalihim, nasa 4.7m hectares na ang naipamahaging lupa.
Pagaaralan din kung paano maipamamahagi ang nasa 75 libong ektarya ng lupang maaari pang ipamahagi.
Isasaayos din ang pamamahagi sa halos 5 libong benepisyaryo ng Hacienda Lusita.
Ayon kay Mariano mas mapapabilis ang pagpapalabas ng mga resolusyon sa pamamagitan ng pag-convene sa Presidential Agrarian Reform Council na ni minsan umano ay hindi nagpulong sa termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Isusulong din ng DAR ang pagsasabatas ng genuine agrarian reform bill upang maipamahagi ng libre ang lupa sa mga magsasaka.
(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)