Mahusay na regulasyon ng mga kemikal sa agrikultura, ipinanawagan ng DA

by Radyo La Verdad | June 2, 2023 (Friday) | 3077

METRO MANILA – Nanawagan si Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban ng isang epektibo at mahusay na regulasyon ng mga kemikal na pang-agrikultura para sa seguridad sa pagkain at pangangalaga sa kapaligiran sa isinagawang 46th founding anniversary celebration ng DA’s Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) nitong May 30.

Ayon kay Panganiban, dahil sa sama-samang pagsisikap ng kagawaran ay nakapamahagi ang ahensya ng 7.7M kilo ng pataba, 2,500 galon ng pesticide at P1-B sa fertilizer discount voucher noong nakaraang taon, na nagbigay ng mahalagang farm input para sa mga negosyo ng 1.8M magsasaka sa bansa.

Hiling ng kalihim sa FPA na ipagpatuloy ang pagpapahusay ng kanilang mga serbisyo at patuloy na magsikap upang makakuha ng sapat at dekalidad na suplay ng mga pataba, pesticide, at iba pang mga kemikal na pang-agrikultura.

Dagdag pa rito ang pagpapatupad ng Fortified Organic Fertilizer Development Program. Layunin nitong mabigyan ang mga magsasaka ng teknikal na kapasidad at kapital na kailangan para makagawa ng sariling organikong pataba, at maturuan sila sa ligtas at matalinong paggamit ng farm input.

(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)

Tags: