Makararanas ng pitong oras na mahinang water pressure ang mga kustomer ng Manila Water sa Metro Manila at bahagi ng Rizal ngayong araw kaugnay ng El Niño weather phenomenon.
Batay sa advisory ng Manila Water, hihina ang water pressure mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
Maaapektuhan ng water pressure reduction ang aabot sa 155 barangay sa Makati, Mandaluyong, Marikina, Parañaque, Pasig, Quezon City, San Juan, Taguig, Antipolo, Angono, Cainta, at Taytay.
Payo ng Manila Water sa mga siniserbisyuhan nilang residente – mag-imbak ng sapat na tubig kahit hindi naman tuluyang mawawalan ng suplay nito.
Matatandaang nitong Setyembre 16 ng gabi ay nag-umpisa na rin ang Maynilad Water Services Inc. (Maynilad) sa pagputol ng suplay ng tubig mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Tags: Manila Water, Maynilad Water Services, Metro Manila, Rizal