Nagsimula na ang mga estudyante at out of school youths sa kanilang summer job ngayong araw.
Sa ilalim ng Special Program for Employment of Students o SPES ay napagkalooban ang mga naturang kabataan ng pansamantalang pagkakakitaan ngayong summer.
Imbis na magbakasyon, mas pinili nilang magtrabaho para may maipampabayad sa tuition fee pag dating ng pasukan.
250 ang mga estudyante na sumailalim sa orientation at contract signing ngayong araw sa MMDA.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, bukod sa kikitain ng mga estudyante ay malaki rin ang maitutulong ng SPES para magkaroon sila ng work experience na magagamit nila sa paghahanap ng trabaho.
Tatanggap ng minimum wage na P481 ang bawat estudyante kada araw ng kanilang pasok.
60% nito ay manggagaling sa ahensya ng pamahalaan kung saan nakatalaga ang estudyante at ang 40% naman ay manggagaling sa Department of Labor and Employment.
Subalit ang DOLE, nilinaw na hindi nila agad maibibigay ang sweldo ng mga estudyante.
Dumadaan pa anya ito sa mahabang proseso kung kaya’t pansamantala ay magbibigay muna sila ng educational voucher sa mga estudyante.
Ang naturang voucher ay kinikilala anya ng mga eskwelahan at maaaring magamit ng mga estudyante na pambayad ng kanilang tuition fee habang wala pa ang kanilang mga sweldo.
Ayon sa DOLE, sa ngayon ay pinagaaralan na nila kung papaano mapapabilis ang pagbibigay ng sweldo sa mga estudyante.
(Macky Libradilla / UNTV Radio Correspondent)
Tags: DOLE, Mahihirap na estudyante, Special Program for Employment of Students, trabaho