Mahigpit na polisiya laban sa “nakaw-load”, ilalabas ng National Telecommunications Commission

by Radyo La Verdad | April 24, 2018 (Tuesday) | 4476

Ngayong linggo ay tatalakayin sa Senado ng ilang ahensya ng pamahalaan kasama ang ilang nasa private sector ang usapin tungkol sa reklamo ng ilang prepaid mobile subscriber sa kwestiyonable o biglaang pagkawala ng kanilang load.

Nais imbestigahan ng information and communications technology department ang tungkol sa hindi namamalayang pagkuha sa pribadong impormasyon o cellphone number ng isang mobile subscriber na posibleng lumalabag na sa mga umiiral na batas.

Maglalabas naman ng bagong memorandum circular ang National Telecommunications Commission (NTC) upang labanan ang “nakaw-load”.

Mapapaloob rito kung papaano hihigpitan at babantayan ang pagsali ng isang subscriber sa value-added service (VAS).

Natuklasan noong nakaraang pagdinig na ang pangunahing pinagmumulan ng nakaw-load ay ang naaksidenteng nasasalihan ng isang prepaid subscriber na mga VAS, kung saan ilan sa mga VAS provider na ito ay tinanggal na ng isang major telecommunications company dahil sa pandaraya.

Para kay Senator Bam Aquino, magandang hakbang ito ng NTC. Tiniyak naman ng dalawang major telco na makikipagtulungan sa pamahalaan. 

Sa Hunyo o Hulyo ay posibleng ilabas na ng NTC ang bagong polisiya na ito.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,