Puspusan na ang pangangampanya ng mga kandidato higit isang linggo bago ang eleksyon sa May 9, 2022.
Bukod sa ipinakikitang resulta ng iba’t ibang survey naniniwala ang isang political analyst na magiging mahigpit ang labanan sa pagitan nila presidential candidates Bongbong Marcos at Vice President Leni Robredo.
Ayon kay dr. Anbony Cuanico isang political analyst at Dean ng College of Arts and Sciences ng Eastern Samar State University, inaasahang magiging katulad ng 2016 elections ang labanan ngayon darating na halalan kung saan dikit ang puntos ng nila BBM at VP Robredo na kapwa tumakbong bise presidente.
“Ang tingin ko, magagaya ito sa 2016 presidential election. Kasi iyong magkabilang panig, nagca-claim sila na sila ang nananalo sa survey. Iyong isa naman sa google trends,” ani Dr. Anbony Cuanico, Political analyst, Dean College of Arts and Sciences, Eastern Samar State University.
Batay sa naglalabasang mga survey, nangunguna pa rin si Marcos habang pumapangalawa naman si VP Robredo.
Gayunman malaki ang itinaas ng puntos ni Robredo kumpara sa iba pang presidential candidates.
At dahil malapit nang matapos ang campaign period, mas pinaiigting pa ng mga kandidato ang kanilang campaign strategy upang makumbinsi ang mga botante na sila ang karapatdapat na iboto.
“Sa kandidatura ni Marcos, nagpapakita na siya ngayon, nagpapainterview narin. Sa kandidatura naman po ni Leni Robredo, patuloy pa nilang tinataas iyong kanilang campaign strategy kung saan ginagawa nila iyong house to house na pangangampanya upang makahakot pa ng mga botante, lalo na ang mga undecided pa o wala pang napipiling kandidato,” dagdag ni Dr. Anbony Cuanico.
Para kay Professor Cuanico, makakatulong ang presidential at vice presidential forum na isasagawa ng commission on elections na maaring makapagpabago sa kanilang desisyon
Dagdag pa ng political analyst, hindi rin dapat pagbasehan ang mga survey sa kung sino ang talagang mananalo sa eleksyon dahil pawang mga projection lamang ang mga ito.
Aileen Cerrudo | UNTV News
Tags: Bongbong Marcos, Jr. VP Leni Robredo, May 9 2022 Election