Mahigit walong daang establisyemento sa Boracay Island, nakatakdang isyuhan ng show cause order ng DENR

by Radyo La Verdad | February 20, 2018 (Tuesday) | 2776


Naglibot ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isla ng Boracay upang magsilbi ng show-cause order sa mga illegal occupants sa isla.

Unang pinuntahan ng DENR ang mga kilalang resort sa Boracay na wala umanong kakulangan sa dokumento para mag-operate sa lugar. Sunod na inikutan ng grupo ang mga residential area.

Wala anilang maipakitang land title o proof of ownership ang mga nakatira sa lugar na itinuturing na protected area batay sa isinagawang survey noon pang isang taon.

Ayon sa DENR, bibigyan ang mga ito ng 15 araw upang makapagpasa ng mga kaukulang dokumento upang hindi tuluyang maipasara o mapaalis sa lugar.

Katwiran naman ng isang residente na naisyuhan ng show cause order, matagal na silang naninirahan sa isla at kumpleto ang kanilang dokumento. Positibo naman ang pagtanggap ng iba pang taga isla sa gagagawing pagsasaayos sa Boracay.

Samantala, inaasahan naman ang pagbibisita ngayong linggo ni DENR Secretary Roy Cimatu sa isla. Bandang ika-3 ng hapon kahapon, nasa mahigit 60 establisymento na ang binigyan ng DENR ng showcause order.

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

Tags: , ,