Mahigit sa 9,000 paaralan sa buong bansa, handa na para sa full implementation ng K to 12 program sa 2016

by Radyo La Verdad | December 18, 2015 (Friday) | 980

JOAN_DEPED
Ang kahandaan ng Department of Education ang isa sa mga pangunahing kinukwestyon sa usapin ng pagpapatupad ng Enhanced Basic Education o ang K to 12 program sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Ayon sa DEPED, sa ngayon ay patuloy pa rin ang kagawaran sa kanilang mga paghahanda para sa full implementation ng programa sa susunod na taon, upang tiyaking maipatutupad ito ng maayos.

Sa Hunyo 2016, sisimulan ng ipatupad ang grade 11 sa mga eskwelahan na bahagi ng Senior High School Level.

Ayon sa DEPED, sa ngayon ay tinatayang nasa mahigit siyam na libong paaralan sa buong bansa, ang nakahanda na para Senior High School.

Kaugnay nito nagsagawa na rin ang kagawaran ng early registration para sa mga magaaral na papasok sa senior high school.

Ito ay upang agad na matukoy ang field of interest ng mga ito at maagang maiasaayos ang hatian ng mga estudyante sa mga eskwelahan.

Nahahati sa apat na kategorya ang senior high school program na maaring pagpilian ng mga estudyanteng papasok sa grade 11, ito ay ang academic, techinal vocational livelihood, sports at arts and design.

Bukod sa early registration, tuloy-tuloy rin ang konstruksyon ng mahigit sa dalawamput-dalawang libong karagdaragan classrooms para sa K to 12.

Tinatayang aabot sa mahigit tatlumput isang bilyong piso ang inilaang pondo ng Department of Budget And Management para sa konstruksyon ng mga karagdagan classroom na gagamitin para sa Senior High School.

Sa pagaaral ng deped tinatayang aabot sa halos one point six million na mga estudyante ang mageenroll sa grade eleven sa susunod na taon.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)