Mahigit sa 80 colorum na taxi sa NAIA terminals, naka-impound sa Nayong Pilipino

by Radyo La Verdad | March 15, 2018 (Thursday) | 3717

Kung dati ay isang kilalang pasyalan ang Nayong Pilipino sa Parañaque City, ngayon ay isa na itong malawak na impounding area ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Manila International Airport Authority, dito na ngayong ini-impound ang mga colorum na taxi na nahuhuling nag-ooperate sa mga terminal ng NAIA. Sa ngayon ay umaabot na sa 86 ang mga colorum na taxi na naka-impound dito.

Karamihan sa mga ito ay nahuling nangongontra ng mga pasahero, expired ang prangkisa, out of line, may batingting sa metro upang mas malaki ang babayaran ng pasahero at may ilang unit rin ang nahuling magkakambal ang plaka.

Ayon kay LTFRB Board Member Attorney Aileen Lizada, bukod sa mga colorum na taxi, abala rin  ang ahensya sa panghuhuli ng iba pang mga colorum na public utility vehicle.

Sa ngayon ay mayroong lamang aniyang 30 enforcers ang LTFRB. Kulang na kulang  ito upang makapag-operate sila sa buong Metro Manila.

Dahil dito, pinaplano ngayon ng ahensya na makipag-partner sa mga unibersidad upang maging bahagi ng aralin ng mga estudyante sa NSTP ang trabaho ng isang enforcer ng LTFRB.

Ayon sa LTFRB, ang bawat mahuhuling colorum na taxi ay papatawan ng 120 thousand pesos na multa at tatlong buwang pagkaka-impound.

Bukod pa rito, isasama na rin sa blacklist ng LTFRB ang pangalan ng operator nito at hindi na maari pang muling magamit ang kanyang sasakyan bilang public utility vehicle.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,