Umabot sa mahigit dalawang daang tauhan ng Philippine National Police ang isinailalim kanina sa isang human rights seminar, na may temang “Curtailing Human Rights in the Name of National Security.”
Layon ng naturang pagsasanay na ipaalala ang ilang mahahalagang probisyon ng batas sa karapatang pantao, upang masigurong na hindi ito malalabag ng mga pulis, kaalinsabay ng kanilang pinaigting na kampanya kontra iligal na droga sa bansa.
Tiwala ang PNP na malaking tulong ang hakbang na ito upang masiguro ng publiko na naayon sa batas ang ginagawa nilang operasyon upang madakip ang sinomang lumalabag sa batas.
Pinangunahan ang training ni dating National Security Adviser Atty. Alexander Aguirre, kung saan tinalakay ang mahahalagang probisyon ng 1987 constitution, bill of rights, social justice and human rights,national security at iba pa.
Kamakailan ilang human rights advocate ang nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan na ang mga kaso ng extrajudicial killings, kasunod ng mga balitang pagkakapatay sa ilang mga drug suspect.
Apela ng grupo, dapat ring irespeto ang karapatan ng mga drug suspect at bigyan ng patas na pagdinig sa kanilang kaso.
Naglabas na rin ng pahayag si Vice President Leni Robredo, kung saan kinondena nito ang tumataas na bilang ng extrajuicial killings sa bansa.
Muli ring binigyang diin ni Robredo ang kahalagahan ng pagpapairal ng due process at hustisya ang bawat Pilipino.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)