Patuloy na nadagdagan ang bilang ng mga residente na lumilikas sa Marawi City dahil sa sagupaan ng tropa ng pamahalaan at Maute group.
Sa tala ng Provincial Management Crisis Committee, aabot na sa 14,699 pamilya o 69, 853 residente ang nadisplace dahil sa kaguluhan.
Tiniyak naman ng pamahalaan na patuloy ang pagbibigay ng mga relief pack sa mga evacuee sa gitna ng nagpapatuloy na military operation.
Kabilang sa mga ipinamigay ay bigas, noodles at mga delatang sardinas para sa mga pamilya na nasa evacuation center.
Samantala tumulong din sa relief operations si Vice President Leni Robredo sa evacuation centers sa Cagayan de Oro at Iligan City kahapon.
Dinalaw din niya ang mga sundalo at pulis na naconfine sa ospital sa Iligan matapos masugatan sa bakbakan.
Tiniyak naman ng pangalawang pangulo na maglalaan siya ng halos tatlong milyong pisong ayuda para sa limang libong pamilyang apektado ng kaguluhan;
Patuloy din ang panawagan ni VP Robredo sa iba pa nating kababayan na tumulong o magbigay ng donasyon para sa relief operation.
(Jacky Estacion)
Tags: bakbakan, Marawi City, Maute