Mahigit sa 100 nagsumite ng COC sa pagka pangulo, ipinadedeklara ng Comelec na nuisance candidate

by Radyo La Verdad | October 21, 2015 (Wednesday) | 1090

BAUTISTA
Isinumite na ng Comelec Law Department sa Clerk of the Commission ang petisyon nito upang ideklarang nuisance candidate ang ilang naghain ng kandidatura noong nakaraang linggo.

Paliwanag nang Comelec, maari silang maghain motu propriopetition upang ipadeklarang nuisance ang isang naghahangad kumandidato.

Sa 130 na naghain ng COC sa pagka presidente, mahigit sa 100 ang ipinadidisqualify ng poll body.

Sa kabuoan aabot naman sa mahigit 200 motu proprio petitions to declare as nuisance candidates ang inihain ng law department laban sa mga nagsumite nga para sa national positions.

Paghahatian at diringgin ng dalawang Comelec divisions ang mga reklamo.

Bibigyang pagkakataon ng poll body ang mga kinukwestyong indibidwal na makapagpaliwanag.

Itinuturing na nuisance o panggulo ang mga naghain ng COC na ginagawang katatawanan ang sistema, ang mga nais nalituhin ang mga botante gaya ng paggamit ng kapareho o katunog na pangalan at ang mga hindi seryoso o hindi in good faith ang intensyong tumakbo.

Samantala nagsumite din si Liberal Party standard bearer Mar Roxas ng petition to declare as nuisance candidate ang isang Manuel Antonio Roxas na naghain din ng COC sa pagka pangulo.

Dahilan ni Roxas nagkakahawig ito sa tunay niyang pangalan na Manuel Araneta Roxas.

Aminado ang Comelec na magiging mahaba ang proseso sa pagresolba sa mga kaso subalit sa disyembre inaasahang mailalabas na ng Comelec ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa 2016 elections.

Tags: