Mahigit P7 milyong reward money, ipinagkaloob ng PDEA sa 12 informants

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 3101

Ipinagkaloob ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa labindalawang informant nito ang pitong milyong pisong reward money.

Mismong si PDEA Chairman Director General Aaron Aquino ang personal na nagbigay ng pabuya sa mga impormante na nakasuot ng itim na maskara ang mga ito para maitago ang kanilang pagkakakilanlan.

Dahil sa ibinigay nilang impormasyon, dalawampu’t limang drug personalities ang naaresto, isang shabu laboratory at 4 na bilyong piso na halaga ng shabu ang nabuwag, may ephedrine at marijuana rin ang nakumpiska ng PDEA.

Ayon kay Aquino, ginawa nila ito para hikayatin ang mga pribadong indibidwal na isumbong ang mga illegal drug activities sa kanilang komunidad.

Dagdag ni Aquino, malaking bagay ang pakikipagtulungan ng mga sibilyan sa pagkalap ng impormasyon para sa kanilang anti-drug operations.

Para sa mga sumbong, maaaring makipag-ugnayan sa PDEA sa pamamagitan ng telepono, sulat, email o kaya’y magsadya sa kanilang pinakamalapit na regional office.

Pwede ring iparating ang anomang impormasyon o sumbong sa kanilang 24/7 text hotlines.

 

( Charlie Barredo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,