Mahigit P560-M na halaga ng iligal na droga, sinara ng PDEA

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 2934

Gamit ang isang thermal decomposition machine, sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang mahigit sa isang daan at dalawampung kilo ng iligal na droga sa isang waste management and storage facility sa Maysilo, Malabon City.

Nasabat ang kilo-kilong ipinagbabawal na gamot sa mga operasyon ng PDEA at ginamit na ebidensya laban sa mga nahuling drug suspects.

Aabot sa 560 million pesos ang halaga ng mga sinirang illegal drugs na galing sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Pinakamatagal rito ay ang galing sa Dagupan na nakumpiska noon pang 2007.

Karamihan sa mga sinunog na droga ay methamphetamine hydrochloride o shabu kasunod ang marijuana, ecstacy at cocaine.

Pinangunahan ang pagsunog ni PDEA Director General Aaron Aquino at Dangerous Drugs Board Chairman Catalino Cuy ang pagsira sa naturang mga ipinagbabawal na gamot.

Nagpahayag naman ng suporta si Aquino sa gagawing pagbuhay ng Philippine National Police sa Oplan Tokhang.

Ngayong taon, balak din ng PDEA na magpatayo ng mga reformation centers sa buong bansa upang makatulong sa rehabilitation ng mga drug surrenderers.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

Tags: , ,