Mahigit P39-M na halaga ng smuggled na asukal, nasamsam ng BOC

by Radyo La Verdad | August 10, 2018 (Friday) | 2639

Dahil aabot sa halos 18 milyong piso ang duties and taxes na babayaran ng Red Star Rising Corporation, ang consignee ng apatnapu’t limang 20-foot containers na ito, pinili na lang nila na abandonahin ang kargamento.

Sa bisa ng decree of abandonment mula sa Manila District collector, nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang sako-sakong ng asukal, pabor sa gobyerno dahil hindi makapagsumite ng entry clearance ang naturang consignee.

Galing Thailand ang mahigit dalawangpu’t dalawang libong sako ng asukal na nagkakahalaga naman ng halos 40 milyong piso.

Walang ring clearance mula sa Sugar Regulatory Administration ang naturang shipment dahil misdeclared ang mga ito.

Sa manifesto, idineklara ito bilang mga packaging materials, kitchen utensils, at mga kraft paper.

Ang naturang shipment ay lumabag sa Section 117 o ang regulated importation and exportation, at Section 1400 o ang misdeclaration ng Customs Modernization and Tarrif Act.

Nahaharap din ang consignee nito sa kasong paglabag sa Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Dahil sa patong-patong na mga kasong ito, agad kinansela ng BOC ang accreditation ng naturang kumpanya.

Tinatayang aabot sa dalawang linggo bago ma-auction ang sako-sakong asukal sa mga accredited contractors ng BOC.

May posibilidad din na mas mababa ang presyo nito kung maibebenta naman sa merkado.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,