Naitala ng Department of Health dengue adverse events surveillance ang mahigit tatlong libong Dengvaxia vaccinees na nagkasakit ng malubha at naospital simula March 2016 hanggang March 2018.
Mahigit isang libo sa mga ito ay nagpositibo sa dengue, 65 ang namatay at 13 sa mga namatay ay dahil sa dengue infection.
Limang pangunahing dahilan ng kanilang pagkamatay ng non-dengue cases ay ang heart disease, central nervous system infection, pneumonia, leukemia at asthma.
Ngunit 98% naman ng mga naospital na vaccinees ay nakauwi na at nasa mabuti ng kalagayan.
Dahil sa mga ganitong kondisyon ng Dengvaxia vaccinees, umabot na sa 22.1 million pesos ang nagastos ng DOH para sa pagpapagamot at pagpapaospital ng vaccinees mula sa iba’t-ibang rehiyon.
Sinusuri pa rin ng DOH ngayon kung may kaugnayan ang kanilang mga sakit at dahilan ng kanilang pagkamatay sa Dengvaxia at ang tunay na epekto ng naturang bakuna.
Inaasahan naman ng DOH na sa susunod ng linggo sa makokompleto na ang ulat ng UP-PGH Dengue Investigative Task Force kaugnay ng 17 kaso ng Dengvaxia vaccinees na iniuugnay ang kamatayan sa naturang bakuna.
Samantala, hinihintay na rin ng Department of Health ang pag-apruba ng kongreso upang magamit nila sa Dengvaxia assistance program ang 1.16 billion pesos na refund ng Sanofi Pasteur.
(Aiko Miguel / UNTV News Correspondent)