Mahigit P15-M halaga ng illegal drugs, nakumpiska sa nakakulong na Taiwanese

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 3238

Ilang kilo ng hinihinalang shabu at iba’t-ibang drug paraphernalia ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa magkasunod na raid sa loob ng Correctional Institution for Women sa Mandaluyong at isang condominium unit sa Maynila.

Mahigit limang milyong pisong halaga ng illegal drugs ang nakuha mula sa convicted drug trafficker at Taiwanese National na si Yuk Lai Yu.

Bukod pa rito ang nakumpiskang labing siyam na cheke, cash, atm, bank accounts at iba pang drug paraphernalia na tinatayang nagkakahalaga ng nasa dalawang milyong piso.

Sinasabing may koneksyon ito sa mga drug lord sa ibang mga kulungan sa bansa at katulong nito ang kanyang anak na si Diane Yu Uy sa mga transaksyon.

Ilang oras lamang matapos ang greyhound operation, ni-raid din ng PDEA sa bisa ng search warrant ang condominium unit sa San Miguel, Manila ng anak ni Yuk Lai na si Diane.

Nakumpiska dito ang nasa dalawang kilo ng suspected shabu na tinatayang aabot sa sampung milyong piso ang halaga.

Ayon kay PDEA Chief Aquino, si Diane ay isa sa mga contracted rice supplier sa catering facilities ng CIW.

At ito umano ang ginagamit ng suspek upang maipuslit sa loob ang mga pakete ng shabu at iba pang kontrabando.

Samantala, isinailalim naman sa drug test ang lahat ng jail guards ng koreksyonal. Sadya raw na hindi ininspeksyon ng mga bantay ang mga gamit na ipinapasok para kay Yuk Lai.

Tinanggal na rin ang director ng CIW na si Elsa Alabado at ipinalit si Atty. Daisy Castillote.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,