Mahigit P1-M halaga ng expired na pangkulay sa buhok at electronic metal scrap na iligal na ipinasok sa bansa, sinira ng BOC

by Radyo La Verdad | October 1, 2018 (Monday) | 3023

Isa-isang ibunuhos sa mga drum ng Bureau of Customs (BOC) ang kahon-kahong mga expired na pangkulay sa buhok na kanilang nasabat sa Port of Manila simula noong nakaraang taon, habang minaso naman ang mga smuggled electronic metal scrap. Aabot ang halaga ng mga ito ng 1.75 milyong piso.

Iligal na ipinasok sa bansa ang mga kontrabando at matagal na umanong inabandona sa Pier kaya’t kinumpiska ng ahensya.

Ang pagsira sa mga smuggled items ay bahagi ng transparency campaign ng BOC at upang hindi na kumalat pa sa publiko.

Lubha anilang delikado para sa kalusugan ng tao kung gagamitin pa ang mga expired na pangkulay sa buhok. Maaari namang makapagdulot ng panganib sa kapaligiran ang mga electronic scrap.

Ang mga sinirang kontrabando ay itinurn-over naman ng BOC sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tamang pagtatapon sa mga ito upang hindi maka-apekto sa kalikasan.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,