Mahigit dalawang daang kumpanya sa Central Luzon, dadaan sa assessment ng DOLE kaugnay sa contractualization

by Radyo La Verdad | September 1, 2016 (Thursday) | 1112

JOSHUA_DOLE
Kasalukuyang nagsasagawa ng assessment ang Department of Labor and Employment sa mga kumpanya sa Central Luzon na mga contractors at subcontractors.

Pinangungunahan ito ng anim na mga labor laws compliance officers sa ilalim ng DOLE’s Labor Laws Compliance System.

Sa naturang assessment, nais iparating ng DOLE na kailangang sumunod sa labor code na wala ng contractual sa kanilang mga empleyado.

Ito ay base na rin sa nauna ng ipinahayag ni President Rodrigo Duterte na walang contractual na mga manggagawa sa Pilipinas.

Ayon sa datos ng DOLE, mahigit 30,000 na mga manggagawa ngayon ang nasa contractualization na nais nilang tulungan para maging regular na sa kanilang mga trabaho.

Kabilang sa mga titignan ng DOLE sa mga kumpanya ay ang service agreement under department order 18-A, employment profile, financial statement, remittance of social benefits at listahan ng kanilang mga empleyado.

Aminado ang DOLE na sa unang pakikipag-usap nila sa mga kumpanya ay hindi kaagad maiintindihan ngunit sa mga nauna ng kanilang ginawan ng assessment ay naintindihan din nila ang kanilang nais iparating ng DOLE sa mga ito.

Giniit naman ng departamento na kapag natapos na ang ginawang assessment at lumagpas ang mga ito sa ibinigay na deadline ay uutusan nila ang kumpanya na ipatupad na ang pag regular sa kanialng mga empleyado.

Kaalinsabay nito ay pormal na ring binuksan sa publiko ang DOLE 24/7 hotline call services para sa mga manggagawa na nagnanais magtanong o mag-reklamo kaugnay sa labor law.

Sa darating na buwan ng Setyembre, inaasahang maglalabas na report ang DOLE kung ilang kumpanya na ang sumunod sa panawagan ng DOLE na gawing regular ang mga manggagawa.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: ,