Mahigit 900,000 doses ng Pfizer at Sputnik V vaccines, nadagdag sa supply ng COVID-19 vaccines sa bansa

by Radyo La Verdad | October 18, 2021 (Monday) | 573

METRO MANILA – Mahigit 900, 000 doses ng COVID-19 vaccines ang nadagdag sa suplay ng Pilipinas ngayong weekend.

Noong Sabado (October 16), dumating sa bansa ang 720,000 doses ng Sputnik V na gawa ng Gamaleya Research Institute sa Russia.

Ito na ang pinakamalaking shipment ng Russian made vaccine sa bansa. Sa kabuuan, nasa 1.3 million na ng naturang bakuna ang nai-deliver.

Bukod dito, dumating din noong Sabado ang nasa higit 200,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine na binili ng pamahalaan.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Teodoro Herbosa, ang ilang bahagi nito ay dadalhin sa Cebu at Davao City.

Habang ang iba pa ay gagamitin naman para sa pediatric vaccination na sinimulan sa Metro Manila noong biyernes (October 15).

Sa kabuuan, nasa higit 10 million doses na ng Pfizer vaccine na binili ng pamahalaan ang dumating sa bansa.

“We do hope that this will help a lot to our vaccination program. The other good news is we have reach about 92 million doses delivered to the Filipino people by the different brands. I think the promise of Sec. Galvez of 104 million by the end of October will be fulfilled.”ani NTF vs COVID-19 Special Adviser, Dr. Teodoro Herbosa.

Sa mga susunod na araw inaasahan pa ang pagdating ng dagdag na supply ng mga bakuna sa bansa.

Ngayong taon, inaasahan ng pamahalaan na aabot ng 140 hanggang 160 million doses ang kabuuang bilang ng mga bakunang nai-deliver sa bansa bago matapos ang 2021.

Nauna nang ipinanawagan ni Vaccine Czar at NTF Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. Sa mga lokal na pamahalaan na pabilisin ang vaccination program dahil may mga nakaimbak pang bakuna.

(JP Nunez | UNTV News)