Mahigit 9,000 pulis, magbabantay sa quarantine controlled points sa greater Manila area

by Radyo La Verdad | March 29, 2021 (Monday) | 32476

Metro Manila – Mahigit sa siyam na libong pulis ang itatalaga ng PNP sa nasa mahigit isang libong quarantine controlled points sa greater Manila area .

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Corona Virus Shield Commander PLTGEN. Cesar Hawthorne Binag, 7,876 dito ay itatalaga sa 929 na checkpoint sa Metro Manila. 982 naman ang ilalagay sa 162 controlled points sa Central Luzon partikular sa Bulacan at 498 na pulis naman ang magbabantay sa 15 quarantine controlled points sa CALABARZON partikular sa Cavite, Laguna at Rizal.

Nilinaw nito na hindi naman kailangan ng mga travel pass, tanging ID o employment certificate lamang ang hahanapin sa checkpoint upang mapatunayang Authorized Person Outside of Residence (APOR) ang mga ito.

Iisyuhan naman ng ticket ang mga mahuhuling lumalabag base sa ordinansa ng lokal na pamahalaan.

“’Yung gagawin lang nila doon papaalalahanan, sa nag-violate pabalikin or issue-han ng ticket ayon sa ordinansa or dalhin sa isang lugar kung nag-violate sila, sa isang gym or malaking lugar para bigyan ng lecture or panuorin ng video para pagpapaalala sakanila, hindi sila para pahirapan kundi para paalalahanan nitong ECQ protocol natin.” Ani PLtGen. Cesar Hawthorne Binag, Deputy Chief for Operations, PNP.

Payo pa ni Binag sa publiko, huwag nang magpilit pang lumabas ang mga hindi APOR at ang nasa edad 18 pababa at 65 anyos pataas dahil hindi sila makalulusot sa checkpoint.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga pulis na mag-ingat at alagaan ang kanilang sarili upang hindi mahawaan ng COVIC-19.

Lea Ylagan | UNTV News

Tags: , , ,