Mahigit 80,000 manggagawa sa pribadong sektor, na-regular na sa trabaho ngayong taon – DOLE

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 4512

Mula 2016 hanggang nitong Oktubre 2018, limamput dalawang libong mga pribadong kumpanya na sa bansa ang nainspeksyon ng Department of Labor ang Employee (DOLE).

Ito ay upang matiyak kung sumusunod ito sa labor laws na ipinatutupad ng pamahalaan.

Bago matapos ang taon ay tatapusin nila ang checking sa nalalabi pang tatlong libong private companies.

Dahil din sa isinasagawang inspeksyon ay na-regular na anila ang nasa 84,000 na mga kontraktwal na mga manggagawa sa mga naturang kumpanya.

Dahil dito, umabot na anila sa 405, 000 na mga empleyadong nasa contractual status ang na-regular simula noong 2016.

Ayon kay DOLE Undersecretary Benjo Benavidez, hindi pa kasama sa listahan ang mga na-regular na manggagawa mula sa malalaking kumpanya tulad ng PLDT, SM at Jollibee dahil kasalukuyan pa nilang bineberipika ang mga ito.

Ngunit pinabulaanan naman ni Alan Tanjusay, ang national spokesperson ng Associated Labor Unions -Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na totoong na-regular na ang bilang ng mga empleyadong sinabi ng DOLE.

Dapat aniya, sa halip na ipag-utos lamang sa mga kumpanya na gawing regular ang isang manggagawa, lagyan din ng petsa ng dole kung kailan dapat gawing regular ang empleyado at tiyakin ng kagawaran na natutupad ito.

Samantala, ayon kay Sergio Ortiz Luis Jr., acting president ng Employers Confederation of the Philippines na nag-aalala ang mga investor-employers na pilitin silang mag-regular ng mga manggagawa kaya hindi na tumutuloy ang mga ito sa pagnenegosyo.

Ito aniya ay posibleng dahilan kaya dumami ang napaulat na mga walang trabaho sa nakalipas na buwan.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,