Mahigit 800 MCGI volunteers, tumulong sa pagre-repack ng mga relief goods para sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 19080

Muling namayani ang diwa ng bayanihan sa Members Church of God International (MCGI) matapos manalasa ang Bagyong Ompong sa Northern at Central Luzon.

Sa layuning makagawa ng mabuti sa kapwa, mahigit walong daang volunteer ng MCGI ang tumulong sa pagre-repack ng mga relief goods sa warehouse ng DSWD sa Pasay City.

Mula pa sa kanilang mga trabaho at eskwela, sumasadya sa warehouse ang mga volunteer upang makatulong sa pagre-repack ng bigas, kape at mga delata na ipamamahagi sa mga kababayan nating sinalanta ng Bagyong Ompong.

Ayon sa DSWD, malaking tulong ang pwersa ng MCGI upang mas mapabilis ang pagre-repack ng 20-libong food packs na target nilang magawa kada araw.

Bagaman hindi lamang ang grupo ng MCGI ang nagbo-volunteer sa repacking ng relief goods, hindi kaila sa DSWD na halos 70 porsyento ng mga naire-repack ay mula sa MCGI.

Masigasig na naging katuwang ng DSWD ang MCGI sa paghahanda ng mga relief goods na ipinamahagi sa mga kababayan nating sinalanta ng mga nagdaang kalamidad gaya ng Supertyphoon Yolanda, ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, maging ang nangyaring kaguluhan sa Marawi City.

Umaasa ang DSWD na mas paiigtingin pa ng MCGI ang kanilang suporta sa pamahalaan sa layuning makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan.

 

( Joan Nano/ UNTV Correspondent )

Tags: , ,