Mahigit 80 pamilya sa Noveleta Cavite, nawalan ng bahay dahil sa storm surge

by Radyo La Verdad | August 13, 2018 (Monday) | 3013

Nagkasira-sira ang mga bahay ng mahigit sa 80 mga pamilya na naninirahan sa Coastal Village ng Barangay San Rafael Noveleta, Cavite matapos na tamaan ng malalakas na hampas ng alon.

Sa mga larawang kuha ng Noveleta Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO), nag-iba ang mga bahay ng mga residente sa lugar dahil anila’y pananalasa ng storm surge.

Agad na inilikas ang mga naapektuhang residente na pansamantang nanatili ngayon sa mga evacuation center.

Dahil sa insidente, problema ngayon ni Aling Angelina kung paano nila muling maitatayo ang nawasak nilang bahay. Wala namang napaulat na sugatan o nasawi sa insidente.

Samantala, bumagsak rin ang tulay sa may Rodeo Hills sa Alfonso, Cavite bandang alas dose ng madaling araw noong Sabado, bunsod pa rin ng malakas na pag-ulan.

Ayon sa mga otoridad, lumambot umano ang lupa sa kabilang bahagi ng tulay dahilan upang bumigay ang pundasyon nito.

Ang naturang tulay ang nagsisilbing short-cut ng mga motorista papunta ng Tagaytay City.

Dahil sa insidente, pansamantala munang isinara ang daan sa mga motorista. Perwisyo naman para sa ilan ang pagkasira ng tulay.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,