Mahigit 7,000 natanggal na manggagawa ng PLDT, malabo pa ring makabalik sa trabaho

by Radyo La Verdad | August 6, 2018 (Monday) | 14363

Sa 47 pahinang desisyon na inilabas ng Court of Appeals (CA), kinatigan nito ang injuction na isinampa ng Philippine Long Distance Company (PLDT) laban sa clarificatory order ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Affirmed, but with modification” ang naging desisyon ng CA. Ibig sabihin, mula sa mahigit pitong libong manggagawang utos gawing regular ng DOLE, mula sa mga third party service contractors nito, hindi kasama ang mga nasa janitorial services, messengerial at clerical services, mga nasa information technology services and supports at application development.

Hindi rin kasama ang mga nasa back office support at office operation, mga call center agents, personnel mula sa sales, dental, engineering at iba pang professional services.

Sa kabila nito, pumanig naman ang CA sa DOLE na maaaring gawing regular na empleyado ang mga dating contractual workes na gumagawa ng installation, repair at maintenance ng mga communication lines.

Dahil dito, pinag-aaralan ng DOLE na maghain ng motion for reconsoderation at hihingi na rin sila ng tulong sa opisina ng solicitor general upang mapuwersa ang PLDT na sundin ang order ng DOLE na gawing regular ang mahigit pitong libong manggagawa ng naturang kompanya.

Sa official press release ng PLDT, ikinatuwa nito ang naging desisyon ng CA. Una nang naging posisyon ng PLDT na hindi lahat ng listed workers ay maaaring maging regular at hindi rin umano naging patas ang dole sa pag imbestiga sa kaso.

Sa ngayon, malabo pa ring mapabilis ang pagpapabalik ng mga tinanggal na manggagawa.

Sisilipin din ng DOLE ang computation ng PLDT tungkol sa monetary compensation na ibibigay para sa mga posibleng maibalik sa trabaho bilang regular.

Samantala, hindi naman nawawalan ng PAGASA ang Malacañang na posibleng baligtarin ng Korte Suprema ang desisyon ng CA.

Iginiit din ng pamahalaang suportado nila ang regularisasyon ng mga manggagawa ng PLDT.

Ilang manggagawa na rin ang nag-apply para sa Employment Emergency Program na ng DOLE. Ito ay para sa pansamantalang tulong na inalok sa kanila habang inaayos ang isyu ng regularisation ng kompanyang PLDT.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,