Mahigit 700 pasahero, stranded sa mga pantalan ng Cagayan de Oro City dahil sa bagyong Vinta

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 2317

Mahigpit na pinagbabawalan ng Philippine Coastguard simula pa kagabi ang mga sasakyang pandagat sa Cagayan de Oro City na maglayag dahil sa bagyong Vinta.

Dahil dito, mahigit pitong daang pasahero na uuwi sana ng Cebu at luluwas ng Maynila ang stranded ngayon sa Cagayan de Oro Port.

Ayon kay PCG Northern Mindanao Commander Capt. Leovigildo Panopio, otomatiko na sa kanila na sinususpinde ang operasyon ng mga sasakyang pandagat kapag may nakataas na public warning signal sa kanilang lugar.

Bilang ayuda naman sa mga stranded na pasahero ay binibigyan ang mga ito ng pagkain ng ports authority.

May nakaantabay din na medical team sa port upang umasiste sa mga pasaherong nangangailangan ng atensyong medikal.

Ayon sa mga stranded na pasahero, maghihintay na lamang sila sa port hanggang payagan na muling makapaglayag ang mga saksakyang pandagat.

Maliban sa Cagayan de Oro port, may napaulat din na mahigit tatlong daang stranded na pasahero sa Lipata Port, Surigao City.

 

( Jacky Estacion / UNTV Correspondent )

Tags: , ,