Mahigit 700 pamilya sa evacuation center sa Aurora Province, nakauwi na

by Radyo La Verdad | November 1, 2018 (Thursday) | 4080

Halos balik normal na ang pamumuhay ng ating mga kababayan sa Casiguran, Aurora matapos manalasa ang Bagyong Rosita.

Ang pamilya ni Mang Rolando ang ilan lamang sa mga tumakbo sa evacuation center nang manalasa ang Bagyong Rosita sa munisipalidad.

Kahapon ay nakabalik na sila sa kanilang bahay. Nasa dalampasigan ang kanilang tirahan kaya naman ramdam nila ang bagsik ng bagyo.

Si Aling Ester naman, sinubukan pang isalba ang nabasang palay at pilit nila itong pinapatuyo. Mula sa 140 piso na kada salop na kanilang benta ay posibleng maibenta na lamang nila ito sa isandaang piso kada salop.

Ang kanilang isang ektaryang bukirin ay sinira rin ng bagyo. Sa inaasahan sana nilang net income na mahigit 20 thousand pesos ay naglaho na lamang na parang bula.

Problema ngayon ang pamilya ni Aling Ester kung saan kukuha ng pambayad utang at nanawagan sa pamahalaan na tulungan naman silang mga magsasaka.

Ayon sa Local Risk Reduction and Management Council ng Casiguran, wala namang malaking napinsala sa kanilang bayan maliban sa agrikultura. Wala pang pinal na detalye ang lokal na pamahalaan kung magkano ang halaga ng napinsala ng Bagyong Rosita.

Patuloy ang pag-aayos ng mga natumbang poste at kable ng kuryente sa lugar.

Wala pang katiyakan kung kailan maibabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa buong bayan

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,