Mahigit 6,000 residente sa paligid ng Mt. Mayon, inilikas na

by Radyo La Verdad | January 15, 2018 (Monday) | 2772

Nagsagawa na ng pre-emptive evacuation kagabi ang lokal na pamahalaan ng Albay sa loob ng 6 kilometer danger zone sa paligid ng bulkang Mayon. Dahil ito sa patuloy na aktibidad ng bulkan na posibleng mauwi sa pagsabog nito.

As of 11 pm kagabi ay mayroon nang 6,338 na mga individual o nasa 1,652 na mga pamilya ang nailikas mula sa dalawampu’t anim na barangay sa paligid ng bulkan. Pansamantalang nananatili ang mga ito sa ilang paaralan na ginawang evacuation center.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na nabibigyan ang mga ito ng kanilang pangangailangan tulad ng pagkain at inumin habang nasa evacuation center.

Samantala, naglagay na ng ilang mga pulis na magbabantay sa mga strategic area papasok ng 6 kilometer danger zone ang lokal na pamahalaan upang matiyak na hindi babalik ang mga residente sa kanilang bahay.

Ngayong araw ay inaasahang magsasagawa na rin ng forced evacuation ang Philippine National Police para sa mga hindi umaalis sa loob ng danger zone.

Pakiusap ng lokal na pamahalaan sa mga residente na sana ay huwag matigas ang ulo at sumunod sa kanilang ipinatutupad na precautionary measures dahil ito ay para na rin sa kanilang kaligtasan, lalo na at delikado sa kalusugan ang makapal na abo na ngayon ay bumabalot sa kanilang barangay.

 

Tags: , ,