Marami pa rin ang pulis na gumagawa ng iligal gaya ng pangongotong, kidnap for ransom at sangkot sa iligal na droga.
Base sa datos ng PNP, mahigit anim na libong pulis na nakasuhan dahil sa pagkakasangkot sa iba’t-ibang iligal na aktibidad.
Sa naturang bilang, mahigit dalawang libo na ang tinanggal sa serbisyo kabilang ang tatlong daang pulis na sangkot umano sa kalakalan ng iligal na droga. Tatlong libo at limangdaan naman ang sinuspinde ng PNP habang mahigit tatlong daan naman ang nademote ang ranggo.
Ayon kay PNP Spokesman PSSupt. Benigno Durana, ang mga pulis na nasangkot sa katiwalian ay isang porsyento lamang sa kabuoang pwersa ng PNP. Subalit nanindigan ang opisyal na hindi nila ito ipinagwawalang bahala.
Dismayado naman si PNP Chief PDG Oscar Albayalde sa patuloy na pagkakasangkot ng ilang pulis sa katiwalian.
Bumuo ng tatlong bagong istratehiya ang PNP para masolusyunan ang problema sa scalawags sa organisasyon. Sa ilalim ng revitalised PNP Internal Cleansing Strategy, paiigtingin ang training sa mga pulis, gayundin ang background investigation sa mga police recruits at maging sa mga nasa serbisyo na.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )