Mahigit 600 kandidato, posibleng hindi maideklara kung mananalo sa eleksyon – Comelec

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 6156

Naihanda na ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga kandidatong hindi maide-dedeklara o makaka-upo sa pwesto kahit na nanalo sa katatapos lamang na barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Mahigit sa anim na raang kandidato umano ang kasama rito. Ang dahilan, dinaya ng mga ito ang ilang detalye sa kanilang isinumiteng certificate of candidacy (COC).

Ang ilang SK candidate, lagpas na umano sa 24 taong gulang na itinakdang age limit para sa mga SK candidate.

Isa aniya sa mga nagsumite ng COC para sa SK elections ay nasa 40 taong gulang. Ilang barangay officials naman ang kumakandidato sa isang lugar kung saan hindi naman sila residente.

Samantala, ayon sa poll body, ang mga nanalong kandidato naman na nasa narco list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay hindi agad madi-diskwalipika at matanggal sakaling makaupo sa posisyon. Ito ay hanggat hindi napapatunayan ang kanilang pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Samantala, sa pinakahuling tala ng Comelec kagabi, halos lahat sa mahigit 177,000 na clustered precincts sa bansa ay tapos nang magbilang ng mga boto maliban na lamang sa ilang lugar sa Region 8.

Ngayong araw rin inaasahang maglalabas ang poll body ng voter turnout sa katatapos lang na halalan.

Sa ulat naman ng Armed Forces of the Philippines, maituturing aniya na mapayapa ang local elections kahapon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,