Mahigit 60 paaralan sa Pampanga, lubog pa rin sa baha

by Radyo La Verdad | August 25, 2016 (Thursday) | 1525

JOSHUA_BAHA
Hanggang sa ngayon ay lubog pa rin sa tubig baha ang maraming barangay sa Pampanga.

Kabilang sa mga lubhang naapektuhan ang mga eskwelahan sa lalawigan.

Ayon sa ulat ng Department of Education, umabot sa mahigit isangdaan at limampung eskwelahan ang naapektuhan ng baha dulot ng Habagat.

Mahigit anim na pung eskwelahan dito ay wala pa ring pasok hanggang sa ngayon.

Sa bayan ng Masantol, dalamput isang eskwelahan ang apektado, sa bayan ng Macabebe naman, may tatlumput lima at sa Sto.Tomas ay may labing isang eskwelahan.

Isa sa mga eskwelahan na lubhang naapektuhan ay ang Sto. Rosario Elementary School sa bayan ng Sto. Tomas.

Isang linggo nang walang pasok ang mga mag-aaral dito dahil sa baha.

Kung magtutuloy tuloy ang magandang panahon ay tinatayang aabutin pa ng limang araw bago ito tuluyang humupa.

Samantala, may ilang eskwelahan pa din na ginagamit bilang evacuation centers ng mahigit isandaan residente.

Nagpalabas narin ng memorandum ang DepEd tungkol sa make-up classes na gagawin ng mga eskwelahan dahil sa maraming araw na walang pasok.

Humihingi naman ng ayuda ang DepEd sa mga local government units na tulungan ang mga eskwelahan na lubhang naapektuhan ng pagbaha lalo na sa bayan ng Macabebe kung saan nasira ang mga classroom sa dalawang eskwelahan.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: ,