Mahigit $500M na just compensation sa PIATCO para sa pagtatayo ng NAIA Terminal 3, pinagtibay ng SC

by Radyo La Verdad | April 20, 2016 (Wednesday) | 1211

THEODORE-TE
Pinal na ang desisyon ng Korte Suprema na nag uutos sa pamahalaan na bayaran ang Philippine International Air Terminal Company, Incorporated o PIATCO ng mahigit 510-million dollars para sa pagtatayo ng NAIA-3.

Ito’y matapos hindi pagbigyan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ng Solicitor General na ibaba sa 100-million dollars lamang ang just compensation sa PIATCO.

Bukod dito, pinagbabayad din ang pamahalaan ng 16-million dollars na taunang interes hanggang sa mabayaran nang buo ang kompensasyon sa PIATCO .

Idineklara naman ng Korte Suprema na ang pamahalaan ang magmamay-ari sa NAIA 3 kapag nakumpleto na ang bayad para sa just compensation.

Nakuha ng Piatco ang kontrata sa pagtatayo ng NAIA 3 noong 1997 ngunit pinawalang-bisa ito noong 2002 dahil sa paglabag ng kumpanya sa Anti-Dummy Law.

Noong 2006, pinayagan ng Pasay RTC ang pamahalaan na mag take over sa NAIA 3.

Ngunit ayon sa Korte Suprema, dapat bayaran ng just compensation ang PIATCO sa mga ginastos nito sa pagtatayo ng naturang terminal.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: ,