Pormal na binuksan ang 13th Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) 2018 sa Bulacan Sports Complex sa Malolos, nitong Linggo, Pebrero 25.
Mahigit limang libong atleta ang nagmula sa lalawigan ng Pampanga, Tarlac, Aurora, Bataan, Nueva Ecija, Olongapo, Zambales at Bulacan ang kalahok sa taunang sports event na ito.
Pinangunahan ni Senators Manny Paquiao, Sonny Angara at Joel Villanueva, ang opening ceremonies na may temang “Broadening Youth’s Horizon Through Sports Competition” ngayong taon.
Ayon sa mga senador, nakikita nila ang kahalagahan ng palakasan upang maiiwas ang mga kabataan sa masamang gawain kaya hangad nila mabigyan naman ng pansin ang pagtatayo ng training center sa Clark, Pampanga.
“Yung sports talagang character building yan so, necessary yan sa buhay natin, sabi nga nila strong body strong mind, definitely may panukala kami Sen. Joel yung sports training center, talagang pagandahin yung sports, pangunahin diyan at least 2 billion,” sabi ni Senator Angara.
“We are fully supporting this event, this program of the government and we are hoping na marami pa kaming magawa para sa kanila,” sabi ni Senator Villanueva
Ayon naman nay Senador Pacqiuao, chairman ng Senate sports committee, sa pamamagitan ng CLRAA makahuhubog tayo ng mga atletang maipagmamalaki ng bansa. Ipinagako rin nitong suportahan niya ang mga atletang Pilipino.
“Suportado natin ang sports, sinabi ko nga sa ating chairman na si Boots Ramires ng sports, mag submit kayo, yung necessary lang ng kailangan nyong budget then I will support dyan pagdating sa deliberation ng project,” sabi Senador Pacquiao.
Samantala pinag-iingat naman ang mga atleta sa mga nabibiling pagkain sa paligid ng sports venue upang maiwasan ang food poisoning na naranasan noong nakaraang taon.
Kabilang naman sa mga sports event na naka line-up ay ang basketball, boxing, dance sports, badminton, chess, football, gymnastic,table tennis at swimming.
Ito na ang ika-apat na sunod-sunod na taon na isinagawa ang CLRAA sa Bulacan kung saan apat na taon na ring overall champion ang lalawigan.
(Nestor Torres/UNTV Correspondent)
Tags: CLRAA, joel villanueva, Manny Paquiao, Sonny Angara