Mahigit 500 pamilya, nananatili pa rin sa iba’t-ibang evacuation sa probinsya ng Rizal

by Radyo La Verdad | July 19, 2018 (Thursday) | 7843

Patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig sa ilog ng Rizal sa bayan ng Cainta dahil sa patuloy na pag-ulan.

Kaya naman ang mga residenteng nag-evacuate na nagsi-uwi na kahapon sa kanilang mga tahanan kahapon matapos na bahagyang tumila ang ulan, muling nagsilikas kagabi.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umabot na sa 531 pamilya o 1567 na indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center sa buong probinsya ng Rizal.

Ayon kay Rizal PDRRMO Officer Noel Malonzo, patuloy pa rin ang pagbagsak ng tubig mula sa bundok kaya malakas pa ang agos ng tubig sa mga ilog sa probinsya.

Kabilang sa kanilang mga minomonitor ang sitwasyon sa ilog ng Rizal at Rodriguez at ang bahagi ng Marikina River na dumadaan sa probinsya. Pinapayuhan nila ang mga residente na maging maingat at huwag ipagsapalaran ang kanilang kaligtasan.

Samantala, isang disisyete anyos na lalaki naman na nawawala sa Bronco Creek sa Brgy. Santo Domingo, Cainta, Rizal simula pa noong Martes ang patuloy nilang pinaghahanap.

 

( Jennica Cruz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,