Mahigit 500 mga guro at estudyante, napaglingkuran sa medical mission ng MCGI at UNTV sa San Ildefonso, Bulacan

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 4904

Madamdaming mga posts sa social media, mga pagbati, libreng bulaklak, tsokalate at iba pa ang handog ng mga kakilala, kaibigan, at mga estudyante sa kanilang mga guro sa pagdiriwang ng World Teachers Day noong nakaraang linggo.

Ngunit ang Member’s Church of God International (MCGI), Kamanggagawa Foundation Incorporated (KFI) at UNTV, may kakaibang handog para sa mga maestro at maestra sa San Ildefonso National High School sa Bulacan para sa kanilang espesyal na araw. Ito ay mga libreng serbisyong medikal para mapanatili silang malusog at malakas.

Ilan sa mga guro sa lugar, hindi makapagpagawa ng salamin sa mata dahil sa kakapusan sa sweldo kaya’t matagal nang tinitiis ang panlalabo ng mga ito.

Ngunit bukod sa mga guro, napaglingkuran din sa isinagawang medical mission ang ilang mag-aaral sa naturang paaralan.

Ang grade 11 student na si April San Dela Cruz na matagal ng nangangailangan na magpa-ECG dahil sa kanyang sakit sa puso, ngunit hindi ito magawa dahil sa kahirapan sa buhay.

Sa kabuuan, limandaan at dalawampu ang naging benepisyaryo ng libreng medical, pediatric, optical at dental check-up, laboratory services, gamot at legal consultation, kasama na rin ang mga naka-avail ng libreng gupit at masahe.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,