Mahigit 500 illegal aliens, nahuli ng BI simula nitong Enero

by Erika Endraca | August 22, 2019 (Thursday) | 13782

MANILA, Philippines – Mahigpit na binabantayan ng Bureau of Immigration (BI)  ang mga dayuhang nagtatangkang pumuslit papasok ng bansa. Karamihan sa mga ito ay ang mga tinatawag na “rider” o ang mga nakikisabay sa mga dayuhang lehitimo ang pakay at may kaukulang mga dokumentado. Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, higit 500 mga illegal aliens na ang nahuli ng BI.

“Ang nakikita po nating problema is iyong mga pumupunta dito iyong “riders” na tinatwag na sumasabay po sa trends po na ito para mag- trabaho dito ng walang tamang permit.”ani Bureau of Immigration Spokesman, Dana Sandoval.

May mga nakakalusot aniya sa mga ito nguni’t agad ding natutuklasan dahil hindi makapagpakita ng working visa. Batay sa guidelines ng BI 6 na buwan lamang ang tourist visa ng isang dayuhang nagtutungo sa bansa.

Isa hanggang tatlong taon naman ang validity ng “working visa” may sistema ang BI upang makita at masala kung sino na sa mga ito ang nag-overstay o illegal na nagta- trabaho

“Meron po tayong branches or sub port offices kung saan po itong mga opisinang ito ang in charge of monitoring the aliens that are located in their specific jurisdiction.” ani Bureau of Immigration Spokesman, Dana Sandoval.

Nakaalerto rin ang BI at patuloy na mino-monitor ang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO). Hindi pa nila tukoy sa ngayon kung ilan sa mga ito ang dokumentado at ilan ang iligal na nagtatrabaho.

“About aliens po na either overstaying na or undesirable or nagta-trabaho po ng walang permiso, agad-agad po itong pinaiisyuhan po ito ng commissioner ng mission order para maaresto ang mga illegal aliens na ito at ating mapa-deport” ani Bureau of Immigration Spokesman, Dana Sandoval.

(Aiko Miguel | Untv News)

Tags: ,