Mahigit 40, pinaniniwalaang kasama sa natabunan ng lupa sa Brgy. Ucab, Itogon Benguet

by Radyo La Verdad | September 18, 2018 (Tuesday) | 2666

Nagtulong-tulong ang iba’t-ibang grupo ng mga rescuer at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Army sa buong araw na paghuhukay sa landslide sa Barangay Ucab, Itogon Benguet. Isa lamang ito sa mga lugar na nagkaroon ng landslide sa Cordillera Region.

Sa lugar na ito pinaniniwalaan na matatagpuan ang mahigit 40 tao na natabunan ng lupa noong Sabado nang manalasa ang Bagyong Ompong.

Sa gilid ng bundok matatagpuan ang mga tinatawag na “kampo” o mga pansamantalang tirahan ng mga minero.

Kahapon, nagsikap ang iba’t-ibang grupo at volunteers sa pag-asang may matatagpuan pa rin silang buhay sa ilalim ng lupa. Habang ang mga pamilya ay matamang nakaabang sa resulta ng paghuhukay.

Kahapon, tatlong katawan ang natagpuan, isa rito ay kinilala ni Mang Pio na kaniyang manugang.

Ngunit hindi pa aniya nakikita ang kaniyang anak na si Jasmin at apat na apo, dalawang babae at dalawang lalaki na nasa pito hanggang dalawang taong gulang na pinaniniwalaan niyang kasama rin sa mga natabunan ng lupa.

Si Mang Pio ay dumating pa mula sa Nueva Viczaya at tumutulong sa paghuhukay sa kaniyang pag-asa na makukuha pang buhay ang kaniyang anak at mga apo.

Ang mga rescue volunteers, nangako na hanggat may lakas ay pipilitin nilang matagpuan ang lahat ng mga nawawala.

Ito ay sa kabila ng mga hamon at hirap ng lugar ng operasyon.

Kahapon sa opisyal na datos ng command center na nasa Itogon, nasa sampu na ang kumpirmadong patay at posible pa itong tumaas dahil sa natagpuang mga katawan kahapon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,