Mahigit 3M manggagawa sa bansa, nakabalik sa trabaho sa kabila ng pandemya – DOLE

by Erika Endraca | September 24, 2020 (Thursday) | 6051

METRO MANILA – Unti-unti nang nakababawi ang employment status ng bansa matapos makabalik sa trabaho ang mahigit 3M manggagawa simula nang magluwag ng quarantine restrictions sa bansa.

Ayon sa Department of Labor and Employment, mula sa 7.3M Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic, 4 na milyon na lang ang walang trabaho ngayon.

“Dito sa 4M, nasa mga 1.9M ang nawalan ng trabaho pero temporarily. Ibig sabihin, naghina ng operasyon yung mga business establishment kaya ni-layoff muna sila for the moment.” ani DOLE Sec Silvestre Bello III.

Umaasa ang DOLE na makababalik sa trabaho ang mga ito sa trabaho kapag naging mas maayos na ang sitwasyon.

Nagpapasalamat naman ang DOLE sa kooperasyon ng mga kumpaniya na sa halip na magbawas ng empleyado ay nagpatupad na lang flexible working arrangement.

“Sa halip na i-layoff yung worker, ang ginawa ng mga employer, thanks to the employers, binawasan lang ang kanilang working hours. Instead of, let’s say, 5 days a week, ginawa na lang 2 or 3 days a week so hindi naman sila totally nawalan ng trabaho.” ani DOLE Sec Silvestre Bello III.

Samantala, patuloy na magbibigay ng ayuda ng DOLE sa mga displaced workers sa ilalim ng Bayanihan 2 law.

Magkakaloob sila ng emergency employment sa mga informal worker sa loob ng 10 hanggang 15 araw.

Makatatanggap naman ng P5,000 cash assistance ang mga empleyado na tinuturing na formal workers.

Habang bibigyan naman ng 200$ o katumabas na  P10,000 sa mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng pandemya.

Patuloy din ang pag-iinspeksyon ng labor department sa mga kumpanya upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa health protocols at iba pang rekomendasyon para sa kaligtasan ng mga manggagawa.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,