Mahigit 394,000 na mag-aaral sa pribadong paaralan, lumipat sa public schools

by Erika Endraca | August 13, 2020 (Thursday) | 8755

METRO MANILA – Sa tala ng Department of Education (DepED) kahapon (August 12) umabot na sa 394,478 ang bilang ng mga mag-aaral sa pribadong paaralan ang lumipat sa public schools.

Mahigit 240,000 dito ay galing sa Elementary, 105,000 sa Junior High School, 41,630 naman sa Senior at mahigit 6,000 na mag-aaral na may kapansanan o non-graded.

Una nang sinabi ng deped, na bunsod na rin ito ng krisis sa pinansyal kaya lumipat ang mga ito.

Samantala, muling nilinaw ng DepED na hindi nila inoobliga ang mga mag-aaral sa pagsusuot ng uniporme sa pampublikong paaralan batay sa Department Order 65.

Kasunod ito ng balita na hinikayat ng isa nilang opisyal sa cebu na magsuot pa rin ng school uniform ang mga mag-aaral kahit online ang klase.

Ayon kay Undersecretary Jess Mateo, hindi ito requirement sa panahon ng krisis sa pinansyal bunsod ng pandemya.

“Kasi noong face to face nga hindi natin nire-require e bakit pa natin ire-require kasi ang rationale dun ayaw naman natin na dagdagan pa ng gastos ang ating mga magulang” ani DepED Usec. Jess Mateo.

Pero pagdating sa pribadong paaralan, hindi na saklaw ng deped kung oobligahin pa rin ng mga ito o hindi ang mga estudyante sa pagsusuot ng uniporme.

Samantala, sinagot din ng DepED ang tanong kung pinapayagan pa rin ba ang guro na kumontak sa kanilang estudyante kahit weekends.

Pwede itong gawin lalo na kung may kinalaman sa leksyon ng bata at para magabayan sa kanyang pag-aaral kahit na distance learning lamang ang pamamaraan.

“Kailangan lang ready tumulong ang ating mga guro at sigurado ako na walang guro na hindi tutulong sa kanilang mag-aaral”  ani DepED Usec. Jess Mateo.

Sa usapin naman ng posibleng pagkaantala ng online learning dahil sa maaring brownouts lalo na kapag may bagyo o sama ng panahon.

Sinabi ng DepED na may ahensya naman na nakahanda para tumulong sa kanila.

Una nang nangako ang Department Of Energy (DOE) ng stable na suplay ng kuryente ngayon taon.

Mataas ang power reserve dahil sa mababa ang demand kasunod ng pagsara ng maraming negosyo sa panahon ng community quarantine.

Nakahanda rin ang mga Local Government Unit (LGU) sa pag-agapay sa mga guro at mag-aaral sa kani-kanilang nasasakupang lugar.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: , , ,