METRO MANILA – Target ng pamahalaan na umpisahan ang mass vaccination kontra Covid-19 sa kalagitnaan ng 2021.
Subalit kung pag-uusapan ay ang realistic scenario, ayon kay National Task Force against Covid-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez, sa katapusan pa ng 2021 o unang bahagi ng 2022 mauumpisahan ang mass vaccination.
May listahan na ng mga prayoridad mabigyan ng bakuna na aabot sa mahigit sa 35 milyon.
Kabilang dito ang mga healthcare workers, iba pang frontliners tulad ng mga pulis, sundalo, servicemen, essential workers at mga mahihirap sa mga lugar na apektado ng Covid-19 infection.
“Mayroon na po tayong listahan na more than 35 million na Filipinos ang nasa priority listings. Iyon po ay ibinigay ng ating Department Of Health base rin po sa guidance ng ating mahal na presidente.”ani National Task Force against Covid-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez.
Samantala, ayon sa kalihim, sa 1 taon, kaya lamang magsagawa ng pagbabakuna ng 20 hanggang 30 milyong tao.
Kaya 3 hanggang 5 taon ang tinatayang itatagal upang makumpleto ang target na pagbabakuna sa 60 hanggang 70 milyong mga Pilipino.
Sa December 2020 naman inaasahang makukuha ng Pilipinas ang target loans nito na gagamitin sa pagbili ng bakuna.
“Kasi ang gagawin po natin dito, iyong sa vaccination po natin, more or less 60 to 70 million, we will do this in three to five years period. Kasi po ang kaya nating ma-vaccinate is more or less 20 to 30 million a year, at the same tinitingnan po natin talaga rin na safe at saka effective na vaccine, kasi lahat po ng vaccine ngayon ay ongoing pa rin po ang trial.” ani National Task Force against Covid-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: COVID-19 Vaccine